Umakyat na sa 44 ang bilang ng mga biktima ng paputok sa lalawigan ng Pangasinan mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 30, ayon sa monitoring ng Pangasinan Provincial Health Office (PHO).
Sa kabila ng pagtaas, ang bilang na ito ay mas mababa pa rin ng 2% kumpara sa 46 na naitala noong nakaraang taon sa kaparehas na panahon.
Ayon sa opisina nasa 17 lugar na sa lalawigan ang nakapagtala ng firecracker-related injuries (FRI) kung saan ang pinakabatang biktima ay tatlong taong gulang, habang ang pinakamatanda ay 55.
Nakita din sa kanilang monitoring na 15 sa 44 na biktima ay aktibong nagpapaputok o active victim habang ang ilan ay passive victim o nadamay lamang.
Dahil dito, nagpapatuloy parin ang pagtutok ng PHO sa mga ganitong kaso hanggang sa matapos ang pagsalubong ng Bagong Taon.
Kasabay nito muling pinaalalahan ng opisina ang publiko na iwasan ang paggamit ng paputok upang hindi na dumagdag pa sa mga biktima nito.










