Dagupan City – Hinigpitan ng kapulisan ang seguridad sa itinalagang firecracker zone sa bayan ng Santa Barbara bilang paghahanda sa pagdiriwang ngayong Disyembre, kabilang ang 24-oras na pagbabantay at pagtiyak na walang menor de edad ang makakabili ng paputok.

Ayon kay Plt. Col. Michael Datuin, hepe ng pulisya sa Santa Barbara, nakapuwesto ang mga pulis sa lugar upang maiwasan ang paninigarilyo at ang pagpapaputok malapit sa firecracker zone, dahil itinuturing na sensitibo ang lugar at maaaring pagmulan ng aksidente.

Paliwanag pa ng pulisya, sabay na ipinapatupad ang mas pinaigting na deployment sa mga business establishment at financial establishments upang maiwasan ang mga insidente ng nakawan na karaniwang tumataas ngayong Disyembre.

--Ads--

Dagdag pa rito, magsasagawa ng roving patrol ang mga mobile police units at gagamit ng public address system o Oplan Bandillo upang magbigay ng paalala at safety precautions sa tamang paghawak ng paputok para sa mga motorista at mamimili.

Batay sa tala ng pulisya, walang naitalang insidente na may kinalaman sa firecrackers noong nakaraang taon, bagama’t inaasahan pa rin ang posibilidad ng mga insidente sa trapiko sa bayan ng Santa Barbara habang papalapit ang mga pagdiriwang.