Dagupan City – Nabulabog ang isang pamilya sa Barangay Pogo, bayan ng Mangaldan, matapos ang isang insidente ng pananakot na nauwi sa sunog madaling-araw ng Linggo.
Ayon sa salaysay ng may-ari ng bahay na si Marlyn, bandang alas-singko ng umaga nang magising siya dahil sa malakas na ingay sa labas ng kanilang bahay.
Inakala niyang isa lamang sa kanyang mga anak ang lumabas kaya agad siyang bumangon mula sa pagkakahiga upang alamin ang pinagmulan ng ingay.
Laking gulat ni Marlyn nang ibang tao ang kanyang makita sa kanilang bakuran. Bigla umanong pumasok ang lalaki sa kanilang bahay habang may dalang patalim, dahilan upang mangamba ang pamilya, lalo na’t naiwan sa loob ng bahay ang apat niyang anak.
Batay sa ulat, tinangka pang pasukin ng lalaki ang isang silid sa loob ng bahay kung saan nandoon ang dalwang anak ni Marlyn.
Dahil sa takot at pangamba para sa kaligtasan ng mga bata, napilitan ang pamilya na pwersahang sirain ang bahagi ng bahay upang mailabas ang mga anak at makaiwas sa posibleng kapahamakan.
Ilang sandali matapos nito, nagkaroon ng sunog sa paligid ng bahay matapos umanong magbuhos ang lalaki ng gasolina sa loob ng bahay.
Hindi rin umano nakuntento ang lalaki kaya maging ang sarili ay binuhusan din niya ng Gasolina.
Sabay sinilaban kaya’t nasunog ang ilang gamit sa bahay nila Marlyn.
Mabuti nalang umano at Agad na rumesponde ang mga tauhan ng kapulisan katuwang ang Bureau of Fire Protection kaya’t mabilis na nacontrol ang apoy.
Maswerte ring nailigtas ang lalaki pero malubhang sugat ang natamo nito sa iba’t-ibang parte ng kanyang katawan.
Samantala, lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang insidente ay nag-ugat umano sa personal problem ng lalaki matapos umano siyang iwan ng kanyang asawa, na nagresulta kaya’t nakararanas ng matinding depression.
Ksalukuyan naman ngayong inoobserbahan ang lagay ng lalaki sa pagamutan.
Smantala, sinubukang kunan ng pahayag ng bombo radyo dagupan ang kaanak ng lalaki pero tumanggi silang magpaunlak ng panayam
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pangyayari at ang pananagutan ng mga sangkot.
Pinaalalahanan din ang publiko na agad humingi ng tulong sa mga awtoridad sa oras ng banta sa kaligtasan, lalo na kung may mga batang sangkot.










