Dagupan City – Tiniyak ng pwersa ng Lifeguard sa Tondaligan Beach, na handa na ang kanilang team sa inaasahang pagdagsa ng mga turista ngayong holiday season at Bagong Taon..
Ayon kay Ella Oribello ang Team Leader na inaasahan nila ang mataas na bilang ng mga bisita mula ngayon hanggang Enero 4, 2026 dahil sa long weekend.
Sa kabila nito, sinabi niya na nakahanda ang kanilang mga lifeguard na magbantay at magmasid, na may 14 na personnel na naka-full force, walang bakasyon at walang day off.
Nagbabala rin si Oribello tungkol sa maalon na dagat hanggang Enero, kung saan maaaring mabuo ang rip current.
Pinapayuhan niya ang mga bisita na mag-ingat at sa gilid lamang ng dagat maligo.
Hinimok din niya ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at tandaan ang shed number o kulay ng kanilang cottage upang maiwasan ang pagkawala ng mga bata.
Dagdag pa rito, tiniyak niya na handa na ang kanilang mga equipment, kabilang ang ATV, CDDRMO Team, at Philippine Coast Guard Augment.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang night swimming, pag-inom ng alak habang naliligo, at paglangoy kapag busog.
Laging pinapaalalahanan ng mga lifeguard ang mga lumalangoy na huwag lumayo sa pampang para sa kanilang kaligtasan.










