DAGUPAN CITY- Kinakailangan pa umanong suriin mabuti ang nilalaman ng “Cabral Files” bago ito ilabas sa publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanual Cera, isang constitutional law expert, bago maisapubliko ang naturang mga dokumento ay kailangan pang alamin ang pinaka-konteksto nito.
Aniya, binabatikos kamakailan ang maaaring maging kalidad ng mga ebidensya na nilalaman ng dokumento dahil tila pinilit lamang umano itong makuha ni Batangas Rep. Leandro Leviste kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) USec. Maria Catalina Cabral.
Dadaan sa Office of the Ombudsman ang Cabral Files upang suriin ang pagkatotoo ng mga ito, partikular sa nilalamang alegasyon ni Cabral laban sa DPWH.
Giit ni Atty. Cera na nakakagulat lamang na kapansin-pansing hindi interesado tumulong ang Malakanyang sa isisasagawang authentication ng mga dokumento.
Gayunpaman, nakikita ni Atty. Cera na makatutulong ito sa imbestigasyon sa Flood Scam lalo na’t may mga alegasyon ng mga insertions.
Samantala, ang mahabang proseso ng preliminary investigation ang isa sa rason kung bakit wala pang ibang naaarestong sangkot sa Flood Scam, maliban lamang kay Sara Discaya.
Sa inilabas na summon, kailangan pa itong sagutin ng mga inahinan sa loob ng 10 araw at sasailalim pa sa proseso.










