Dagupan City – Umabot sa halos labing-isang libong (11,000) ilegal na paputok at iba pang pyrotechnic devices ang sinira ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na paputok ngayong papalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay PLtCol. Marcellano Desamito Jr. ng Departmental Positioning and Development Authority ng PPPO, umaasa ang kapulisan na magiging mapayapa at ligtas ang pagdiriwang ng pagpasok ng taong 2026.

Nagpaalala rin si Desamito sa publiko na iwasan ang paggamit ng mga ilegal na paputok upang maiwasan ang aksidente at mapangalagaan ang kaligtasan ng lahat.

--Ads--

Aniya, patuloy ang pakikipagtulungan ng kapulisan sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Binigyang-diin din nito na hindi lamang responsibilidad ng kapulisan ang pagkamit ng kapayapaan, kundi pati na rin ng mga magulang na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak, lalo na sa paggamit ng paputok.

Sa ilalim naman aniya ng national order ng Philippine National Police, mahigpit na ipinagbabawal ang indiscriminate firing o walang habas na pagpapaputok ng baril, na may kaukulang parusa sa sinumang lalabag.