Dagupan City – Malaki umano ang pagkakaiba ng pagsalubong ng bagong taon sa Pinas at Belgium.
Ayon kay Mimie Deslate, Bombo International News Correspondent sa Belgium, isa sa mga nakasanayan ng Filipino community doon ay ang pagsasalo-salo tuwing Bagong Taon.
Gayunman, dahil malayo sa pamilya, may mga pagkakataong unti-unti ring nawawala ang diwa ng Bagong Taon sa ilan, lalo na dahil sa malaking kaibahan ng kultura sa bansang kanilang kinaroroonan.
Aniya, karaniwan umanong tahimik ang kanilang lugar at madalang lamang makita ang mga dekorasyon.
Wala rin umanong mga paputok dahil mas solemn at mahigpit ang mga patakaran sa kanilang komunidad.
Pagdating naman sa handa, sinabi ni Deslate na malaki rin ang pagkakaiba nito kumpara sa Pilipinas.
Kung sa bansa ay karaniwang inihahanda tuwing Bagong Taon ang hamonado, mga bilog na prutas, lechon at iba pang tradisyunal na pagkain, sa Belgium ay mas simple ang selebrasyon at kadalasan ay naaayon sa nakasanayang pagkain ng mga lokal.
Gayunpaman, patuloy pa rin umanong nagsisikap ang mga Pilipino sa Belgium na panatilihin ang diwa ng Bagong Taon sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang mga mahal sa buhay upang kahit papaano ay maramadaman ang diwa o spirit ng Bagong taon sa Pinas.










