Nagsagawa ang Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan ng dalawang araw na capacity building seminar para sa mga Barangay Council for the Protection of Children at iba pang stakeholders na humahawak ng Children-at-Risk at Children in Conflict with the Law cases noong Disyembre 18–19 sa Mangaldan Municipal Hall.

‎Layunin ng seminar na palakasin ang kaalaman at kakayahan ng mga barangay opisyal at katuwang na ahensiya sa maayos at naaayon sa batas na paghawak ng mga kasong may kinalaman sa mga bata. Pinangunahan ito ng Municipal Social Welfare and Development Office.

Nagsilbing resource speaker si Perfecto Lasquite Jr. ng Juvenile Justice and Welfare Council Regional Secretariat I, na tinalakay ang mahahalagang probisyon ng Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. Sinundan ito ng open forum upang talakayin ang mga isyung nararanasan sa aktuwal na implementasyon ng batas.

Dumalo sa seminar ang mga punong barangay, kagawad, barangay secretaries, kinatawan ng PNP Women and Children’s Protection Desk, Child Development Workers, at iba pang lokal na opisyal.

Inirepresenta ni Municipal Administrator Atty. Teodora S. Cerdan ang alkalde at ipinaabot ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programang naglalayong maprotektahan ang kapakanan ng mga bata.