DAGUPAN CITY – Itinuturing na isa sa pinakamalakas na lindol sa Taiwan ang 7.0 magnitude na naramdaman sa nasabing bansa kagabi.
Ayon kay Jason Baculinao, Bombo International News Correspondent sa Taiwan, ang lindol na ito ay pangalawa sa pinakamalakas na lindol mula nang maganap ang 1999 na lindol sa Central part ng Taiwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Baculinao na nasa 4.0 na lakas ng lindol ang naramdaman sa kanyang kinaroroonan, sa bandang Central area ng Taiwan.
Ayon sa United States Geological Survey (USGS), ang epicenter ng lindol ay matatagpuan 32 km (20 miles) silangan-timog-silangan ng Yilan, Taiwan, at may lalim itong 68 km.
Sa ngayon, wala pang mga ulat na nagbabadya ng panganib sa mga Pilipinong naroroon, maliban sa mga lumalabas na video ng mga crack na tumama sa mga dingding ng mga dormitoryo, overpass, at kisame ng isang paliparan.
May mga aftershocks na nararanasan, at inaasahan na magtatagal pa ang mga ito sa mga susunod na araw.
Naglabas na rin ng tsunami warning ang Taiwan Earthquake Bureau at pinayuhan ang mga residente na huwag munang pumalaot.
Samantala, wala namang nangyaring panic buying, dahil sanay na ang mga mamamayan ng Taiwan sa mga lindol kapag may naitatala sa bansa.










