DAGUPAN CITY- Umabot sa walong (8) biktima ng naganap na stabbing incident sa Mishima Plant sa Shizuoka, Central Japan bandang 4:30 ng hapon noong Biyernes ang kasalukuyang naka-confine sa ospital dahil sa mga saksak na tinamo nila.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo News Correspondent Hannah Galvez mula sa Japan, pitong (7) iba pa ang nagtamo ng minor injuries matapos umano silang ma-sprayan ng isang bleach-like chemical, base sa pinakahuling ulat.
Kaugnay ng insidente, kinilala ang suspek na si Uyama Masaki, 38 taong gulang, na kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad at iniimbestigahan pa ang motibo sa likod ng krimen.
Ilang anggulo na ang tinitingnan ng mga imbestigador. Kabilang dito ang posibilidad na ang suspek ay dating empleyado ng planta, o kaya naman ay may mental health condition at nagkaroon ng alitan sa ilan sa mga manggagawa. Gayunman, wala pang opisyal na kumpirmasyon sa alinman sa mga ito.
Nanatiling naka–high alert ang fire at police departments ng Shizuoka Prefecture, lalo na’t kumalat umano ang nasabing chemical substance sa loob ng Yokohama Rubber Co.
Patuloy pa rin ang masusing inspeksyon upang masigurong ligtas ang lahat ng empleyado at residente sa paligid.
Pinuri rin ni Galvez ang mabilis na aksyon ng Japanese authorities sa insidente.
Kabilang sa mga agarang hakbang ang pagpapalakas ng seguridad sa mga pabrika, partikular ang enhancement ng surveillance systems.
Gumagamit na rin umano ng AI-powered analytics upang matukoy ang kahina-hinalang kilos, agresibong behavior, at mga unauthorized entry. Dagdag pa rito ang mas mahigpit na access controls, kabilang ang paggamit ng biometric authentication.
Sa ngayon, wala pa ring inilalabas na opisyal na pahayag ang mga awtoridad dahil sa pagiging komplikado ng kaso at patuloy na imbestigasyon.
Inaasahan naman na posibleng maglabas ng opisyal na impormasyon ang pamahalaan makalipas ang humigit-kumulang 24 oras mula nang mangyari ang insidente.










