DAGUPAN CITY- Patuloy ang mas pinaigting na kampanya ng Philippine National Police–Lingayen laban sa ilegal na droga at kriminalidad sa bayan, kasunod ng matagumpay na anti-illegal drug operation na isinagawa noong nakaraang Lunes sa Bypass Road.

Sa isinagawang buy-bust operation, nakumpiska ng kapulisan ang humigit-kumulang 8.2 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halagang umaabot sa ₱162,000.

Ang naturang operasyon ay bahagi rin ng regular na patrol ng mga awtoridad upang masugpo ang paglaganap ng ilegal na droga sa lugar.

--Ads--

Isinagawa ang operasyon sa tuktok ng Bypass Road kung saan matagumpay na naaresto ang isang pinaghihinalaang pusher ng ilegal na droga sa pamamagitan ng buy-bust operation na kinasangkutan ng isang operatiba ng pulisya bilang poseur-buyer.

Ayon kay PLtCol Junmar C. Gonzales, Chief of Police ng PNP Lingayen, hindi titigil ang kanilang hanay sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.

Patuloy umano ang kanilang pagsunod sa direktiba ng Provincial Director ng Pangasinan Police Provincial Office na si Police Colonel Arbel Mercullo na huwag ibaba ang pagbabantay at panatilihing aktibo ang mga kampanya laban sa krimen.

Dagdag pa rito, bahagi ng mandato ng pamunuan ng PNP Lingayen ang patuloy na pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bayan, sa pamamagitan ng pinaigting na presensya ng pulisya at tuloy-tuloy na operasyon laban sa lahat ng anyo ng kriminalidad, upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan ng Lingayen.