DAGUPAN CITY- ‎Aabot sa 10,906 piraso ng ilegal na paputok, pyrotechnic devices, at improvised cannon o boga ang winasak ng Pangasinan Police Provincial Office sa isinagawang seremonyal na pagsira kanina araw ng Sabado, Disyembre 27, 2025 sa Lingayen, Pangasinan.

Ang mga nasabing paputok at boga ay nakumpiska ng pulisya mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan bilang bahagi ng pinaigting na operasyon ng kapulisan ngayong holiday season upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Pinangunahan ang aktibidad ni PLTCOL Marcellano Desamito Jr., Deputy Provincial Director for Administration, bilang kinatawan ng Provincial Director ng Pangasinan PPO.

Siniguro ng mga awtoridad na tuluyan nang hindi mapapakinabangan ang mga nakumpiskang gamit upang maiwasan ang anumang panganib o aksidente.

Ayon sa pamunuan ng Pangasinan PPO, layunin ng aktibidad na mabawasan ang mga insidente ng firework-related injuries, at ipakita ang mahigpit na kampanya laban sa paggamit ng boga na madalas nagiging sanhi ng aksidente, lalo na sa mga kabataan.

‎Bilang bahagi ng ligtas na disposal, nilublob muna sa tubig ang mga paputok sa tulong ng Bureau of Fire Protection bago tuluyang wasakin upang maiwasan ang posibleng pagsabog.

Patuloy namang nananawagan ang pulisya sa publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan para sa isang payapa at masayang pagdiriwang ilang araw bago ang Bagong Taon.