DAGUPAN CITY- Nagdeploy ang Dagupan City Police Office ng mga pulis sa lahat ng barangay sa lungsod bilang bahagi ng pinaigting na programa upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang insidente ng paputok na maaaring magdulot ng kapahamakan sa publiko.

Ayon kay PCol Orly Pagaduan, City Director ng Dagupan CPO, nagtalaga ang pulisya ng tig-dalawang personnel sa bawat barangay upang magsagawa ng regular na pagbabantay, pag-iikot, at pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay, kaugnay ng kampanya laban sa mga paputok.

Pangunahing layunin umano ng hakbang ang mapanatili ang zero-casualty na insidente ng firecracker sa lungsod, alinsunod sa direktiba ng lokal na pamahalaan.

--Ads--

Aniya, mahalaga ang presensya ng pulis sa komunidad upang maagap na matukoy ang mga indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na paputok upang mapigilan ang mga paglabag bago pa man ito humantong sa mas seryosong insidente.

Dagdag pa ng opisyal, aktibo ring nagsasagawa ng information drive ang mga pulis sa barangay upang paalalahanan ang mga residente na iwasan ang indiscriminate firing, lalo na tuwing may selebrasyon at espesyal na okasyon.

Aniya, nagsisilbi ring mabilis na responder ang mga nakatalagang pulis sa bawat barangay sakaling may maiulat na kahina-hinalang aktibidad.

Dahil dito, hinihikayat ang mga residente na makipagtulungan sa awtoridad at agad ireport ang anumang impormasyon kaugnay ng ilegal na armas at iba pang banta sa seguridad.

Sa kasalukuyan, patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng pulisya sa buong lungsod, kung saan nakahanda ang mga pulis sa bawat barangay na tumugon sa pangangailangan ng mamamayan, bilang bahagi ng pangmatagalang layunin na mapanatili ang kaligtasan ng lungsod.