DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng information dissemination at pamamahagi ng mga flyers ang mga tauhan ng Basista Police Station upang mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa iba’t ibang usaping may kinalaman sa kaligtasan at kaayusan ng komunidad.

Sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Brylle Dave P. Dong-oc, Chief of Police ng Basista PNP, tinalakay ng mga pulis ang mahahalagang paalala upang makaiwas ang mga residente sa online at text scams na patuloy na nagiging banta sa mamamayan.

Ipinaalala ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa mga natatanggap na mensahe at tawag, lalo na ang mga humihingi ng personal na impormasyon o pera.

--Ads--

Kasabay nito, namahagi rin ang kapulisan ng mga flyers na naglalaman ng kampanyang “Iwas-Paputok,” paalala laban sa indiscriminate firing, at mga safety tips upang maiwasan ang insidente ng pagnanakaw at iba pang krimen laban sa ari-arian.

Layunin ng aktibidad na paigtingin ang kamalayan ng publiko lalo na ngayong papalapit ang pagdiriwang ng Bagong Taon.

Isinagawa ang aktibidad sa Barangay Palma, Basista, Pangasinan, kung saan aktibong nakilahok ang mga residente at positibong tinanggap ang mga paalala ng kapulisan.

Patuloy ang panawagan ng Basista PNP sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga paalala at agarang pag-uulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng buong komunidad.