Dagupan City – Umaasa ang ilang sektor ng edukasyon na madaragdagan pa ang bilang ng mga gurong mapo-promote matapos ianunsyo na nasa 1,800 guro ang inaasahang aangat ng posisyon.

Ayon kay Former ACT Teachers Party-list Representative France Castro, magandang balita ang nasabing anunsyo ngunit aniya’y napakaliit pa rin ng bilang kung ikukumpara sa kabuuang dami ng mga guro sa bansa.

Giit ni Castro, dapat ay nasa pagitan ng 200,000 hanggang 400,000 guro ang nabibigyan ng promosyon dahil marami na umano ang may sapat na mga accomplishment ngunit nananatili pa rin sa ranggong Teacher I.

--Ads--

Dagdag pa niya, marami ring guro ang nagreretiro nang hindi man lamang napo-promote, dahilan upang manatili sa mababang ranggo sa kabila ng mahabang taon ng serbisyo.

Samantala, hinggil naman sa pagbibigay ng cash incentive sa mga guro, sinabi ni Castro na hindi sapat ang ibinigay ng pamahalaan lalo’t ginawa pa itong hulugan.

Aniya, nararapat lamang na ibigay ito nang buo sa halagang ₱20,000.

Isa rin sa nakikitang problema ni Castro sa paglalaan ng pondo ang patuloy na pagkaantala ng pag-apruba ng badyet, na kanyang iniuugnay sa kakulangan ng agarang tugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng sektor ng edukasyon.

Ayon pa kay Castro, kulang ang ₱23 bilyong inilaan at inilipat sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund para sa mga kawani ng pamahalaan at mga guro.

Dagdag niya, may nawawalang ₱12 bilyon na dapat sana’y magagamit para sa kapakanan ng mga guro pagsapit ng 2026.