DAGUPAN CITY- Tiniyak na pawang rehistrado at may kumpletong papeles ang mga nagbebenta ng paputok sa itinalagang firecracker selling area sa bayan ng Lingayen ngayong kapaskuhan, bilang bahagi ng pinaigting na hakbang para sa ligtas at maayos na pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ayon kay Wina Sison Reyes, isa sa mga vendor, dumaan ang mga nagbebenta sa isang seminar na isinagawa sa Bayambang na pinangunahan ng Bureau of Fire Protection at mga lokal na pamahalaan.

Sa nasabing seminar ay ipinaliwanag ang mga patakaran sa ligtas na pagbebenta ng paputok, pati na ang mga kinakailangang dokumento bago payagang makapagtinda.

--Ads--

Batay naman sa panayam kina Carla Raymundo at Cristine Mae Bolasoc, Disyembre 23, 2025 nang pormal silang mag-ayos ng kanilang pwesto sa Lingayen.

Unang pagkakataon pa lamang nilang magtinda sa lugar at siniguro nilang maayos ang kanilang paghahanda sa pamamagitan ng pagtatayo ng tolda at pagkumpleto ng mga kinakailangang kagamitan alinsunod sa itinakdang pamantayan ng mga awtoridad.

Iba’t ibang uri ng paputok ang iniaalok sa publiko, kabilang ang mga ground fireworks tulad ng bells, dragons, at witches, gayundin ang aerial fireworks na may iba’t ibang bilang ng putok mula 36 shots, 49 shots, hanggang 139 shots.

Mayroon ding mga mas malalaking uri ng paputok na itinuturing na premium items, kung saan umaabot sa humigit-kumulang ₱48,000 ang pinakamataas na presyo sa kasalukuyan.

Mahigpit ding ipinatutupad ng mga vendor ang patakaran na hindi pagbebenta ng paputok sa mga menor de edad. Tanging mga mamimiling 18 taong gulang pataas lamang ang pinapayagang makabili upang maiwasan ang mga aksidente.

Kasabay nito, hinihikayat ang publiko na basahin at sundin ang mga instruksyon sa tamang paggamit ng paputok upang masiguro ang kaligtasan, maiwasan ang disgrasya, at magkaroon ng maayos at masayang pagsalubong sa Bagong Taon.

Patuloy naman ang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga firecracker selling areas upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntunin at mapanatili ang kaayusan sa lugar.