Dagupan City – ‎Labindalawang katao ang nasugatan sa isang insidente na kinasangkutan ng isang Vikings Ride sa bayan ng San Jacinto, Pangasinan, ayon sa ulat ng San Jacinto Police Station.

Nangyari ang insidente noong bisperas ng Pasko, ika-24 ng Disyembre, habang patuloy ang pagdagsa ng mga mamamayan sa isang peryahan sa lugar.

Ayon kay Pmaj Napoleon Velasco, Chief of Police, San Jacinto PNP, biglang nagkaroon ng aberya ang nasabing amusement ride na naging sanhi ng pagkakasugat ng mga sakay nito.

Sa kabuuang bilang ng mga nasugatan, karamihan ay mga menor de edad.

--Ads--

Kabilang din sa labindalawang sugatan ang ilang mga personnel ng operator ng nasabing ride.

Agad rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, katuwang ang kapulisan at Rural Health Unit ng bayan at agad na siniguro ang lugar upang maiwasan ang karagdagang pinsala bago bigyan ng paunang lunas ang mga nasugatan.

Isinailalim ang mga ito sa medical assessment at dinala sa pagamutan para sa karagdagang gamutan at obserbasyon.

Samantala, pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng Vikings Ride habang isinasagawa ang mas malalim na imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sanhi ng insidente at kung nasunod ang mga itinakdang safety standards.

Handa naman umanong sagutin ng operator ng nasabing amusement ride ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatan.