Dagupan City – Pinaigting ng Dagupan City Police Office ang seguridad sa iba’t ibang bahagi ng lungsod bilang parte ng kahandaan sa holiday season kung kailan inaasahang mas patuloy ang pagdami ng mga mamimili at naglalakad sa mga pampublikong lugar.

Ayon kay PCOL Orly Pagaduan, City Director ng Dagupan City Police Office, nakatuon ang deployment ng kapulisan sa mga tinukoy na Places of Convergence tulad ng mga pamilihan, mall, at iba pang mataong lugar upang maiwasan ang insidente ng krimen ngayong kapaskuhan at sa mga susunod pang araw.

Ipinakalat ang mas maraming pulis na naka-uniporme at naka-sibilyan na patuloy na umiikot sa loob at paligid ng mga pamilihan upang masiguro ang seguridad ng publiko at mapanatili ang police visibility lalo na sa oras ng dagsa ng mga mamimili.

--Ads--

Aniya na binabantayan ng mga awtoridad hindi lamang ang mga posibleng salarin kundi pati ang mga posibleng biktima, partikular ang mga nakatatanda at mga mabagal kumilos na karaniwang tinatarget ng masasamang loob tuwing holiday rush.

Nakapag-aresto na umano ang pulisya ng ilang indibidwal na sinasabing nagsasamantala sa sitwasyon sa mataong lugar, dahilan upang maagap na mapigilan ang posibleng krimen at mapanatili ang kaayusan sa lungsod.

Ayon pa kay Pagaduan, nakipag-ugnayan rin ang mga pulis sa mga taong humihingi ng tulong sa loob ng pamilihan, kabilang ang ilang namamalimos, upang maiwasan ang disgrasya at iba pang insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan ng publiko.

Patuloy ang paalala ng pulisya sa mamamayan na maging alerto sa kanilang mga gamit at agad na makipag-ugnayan sa mga pulis na nakatalaga sa lugar sakaling may kahina-hinalang kilos, bilang bahagi ng pinaigting na seguridad ngayong holiday season.