Dagupan City – Binigyang-diin ng National Intelligence Coordinating Agency Regional Office 01 ang kahalagahan ng mapayapang pamamaraan sa pagpapahayag ng saloobin at puna laban sa pamahalaan, kasabay ng patuloy na paalala laban sa anumang panawagan na magdulot ng kaguluhan o armadong pagkilos.
Ayon kay Plormelinda P. Olet, Regional Director ng NICA Regional Office 01, isa sa malinaw na palatandaan ng banta sa kapayapaan at kaayusan ay ang panawagan na pabagsakin ang gobyerno.
Ipinaliwanag niya na hindi ito kanais-nais sapagkat layunin ng lahat ang magkaroon ng maayos, matatag, at gumaganang pamahalaan na nagsisilbi sa mamamayan.
Dagdag pa ni Olet, may sapat at lehitimong mga paraan upang maiparating sa pamahalaan ang mga hinaing at puna ng publiko.
Aniya, maaaring ipahayag ng mga mamamayan ang kanilang saloobin sa paraang mapayapa at makabuluhan, nang hindi kinakailangang umabot sa armadong rebolusyon o pakikilahok sa mga gawain na nagdudulot ng kaguluhan.
Sa pamamagitan nito, hinihikayat ng NICA RO-01 ang publiko na manatiling mapanuri ngunit responsable, at gamitin ang mga demokratikong proseso sa paghingi ng pagbabago.
Patuloy rin ang ahensya sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at katatagan sa rehiyon.










