DAGUPAN CITY- Pinaigting ng Dagupan City Police Office Station 6 ang seguridad sa Tondaligan Beach at mga karatig barangay para sa kaligtasan ng publiko ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay PCapt. Rommel Dulay, Station Commander ng DCPO Station 6, naglatag na sila ng mga hakbang para sa seguridad, kabilang ang pagtatalaga ng mga pulis sa mga lugar tulad ng Tondaligan Beach at sa mga barangay One Bonuan gaya ng Boquig, Binloc, at Gueset
Binigyang-diin ni PCapt. Dulay ang kanilang layunin na mapanatili ang kaayusan habang ipinagdiriwang ang Pasko kung saan partikular nilang binabantayan ang Tondaligan Beach upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.
Bagama’t hindi pa gaanong karami ang mga tao, naghahanda na sila para sa anumang posibleng insidente.
Aniya na may responsibilidad din ang mga nagmamay-ari ng mga shed na bantayan ang kanilang mga customer, lalo na kung sila ay nagpalipas ng gabi.
Ipinapaalala rin sa publiko na ang pinapayagang oras para maligo sa dagat ay mula umaga hanggang 5 ng hapon lamang pero kung may mahuli silang lumalabag dito at naka-check in sa isang shed, papauwiin nila ang mga customer na ito at papatawan ng disciplinary action ang nagmamay-ari ng shed dahil sa kapabayaan.
Kaugnay nito, humihingi ng kooperasyon ang kapulisan sa publiko upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lugar.
Nagdagdag din ng personnel ang main office upang tumulong sa WCPD at Police Community Relations para sa kapakanan ng kanilang nasasakupan.
Pinaalalahanan din ni PCapt. Dulay ang publiko na huwag magmaneho ng sasakyan kung nasa ilalim ng impluwensya ng alak upang maiwasan ang anumang aksidente.










