Inaasahang mababawi pa ang mga ninakaw na kaban ng bayan, ngunit hindi magiging madali ang pagpapanagot at pagbawi sa mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, sinabi niyang mas may kakayahan na ngayon ang mga kinauukulan kumpara noon dahil sa pagkakaroon ng mga makabagong kasangkapan tulad ng internet at social media, na nagpapadali sa pagsubaybay at imbestigasyon.
Ayon pa kay Yusingco, kapag ang isang akusado ay nasampahan na ng kaso, may mga umiiral na batas na nagbibigay-daan upang masamsam at mabawi ang mga yaman na napatunayang ninakaw.
Gayunman, kung ang inaakusahan ay pumanaw na, hindi na ito maaaring kasuhan. Sa kabila nito, may mga legal na remedyo pa ring maaaring gamitin ng mga kinauukulang ahensya tulad ng Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) upang marekober ang mga ill-gotten wealth. Ngunit binigyang-diin niya na kung hindi gagamitin ang mga legal na mekanismong ito, walang mangyayari.
Dahil dito, hinimok ni Yusingco ang civil society na aktibong bantayan ang mga kaso sa tulong ng social media upang matiyak na ginagamit ng mga kinauukulan ang lahat ng legal na remedyo para mabawi ang ninakaw na pera at maibalik ito sa taumbayan.
Dagdag pa niya, normal lamang ang pangamba ng mamamayan dahil sa masamang karanasan ng bansa noong panahon ng dating diktadurya.
Reaksyon ito ni Yusingco sa balitang pinag-aaralan na ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng kasong civil forfeiture laban kay dating House speaker Martin Romualdez.
Una ng sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na determinado ang kanyang kapatid na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na maghain ng criminal neglect o gross neglect para sa civil forfeiture sa lahat ng assets ni Romualdez.
Pinahihintulutan ng mga kasong civil forfeiture ang pamahalaan na kumpiskahin o kunin ang mga ari-arian ng isang tao kahit hindi ito sinasampahan ng kasong kriminal.










