DAGUPAN CITY – Sisimulan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang River Rehabilitation and Flood Mitigation Project sa mga bungad ng mga ilog patungong Lingayen Gulf.

Ayon kay Pangasinan Governor Ramon Guico III, layunin ng proyekto na mapabuti ang daloy ng tubig, mabawasan ang panganib ng pagbaha, at mapanatili ang kalinisan ng mga ilog sa buong lalawigan.

Unang isasagawa ang operasyon sa Limahong Channel sa bayan ng Lingayen.

--Ads--

Aniya, kritikal na unahin ang mga bunganga ng ilog na kasalukuyang barado at may mataas na antas ng siltation dahil sa matagal nang naipong makakapal na lupa at buhangin.

Ang pagbabara sa mga bahaging ito ang pangunahing sanhi ng mabagal na pagdaloy ng tubig na nagdudulot ng pagbaha sa mga karatig-lugar.

Dagdag pa ng gobernador, makikipag-ugnayan ang pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang lokal na pamahalaan, kabilang ang Dagupan City upang ikonsidera ang pagsasagawa ng river dredging sa mga lugar na madalas bahain.

Pansamantalang mananatili sa dagat ang barkong gagamitin sa proyekto upang magsagawa ng paglilinis at pagtatanggal ng mga naipong makapal na lupa at buhangin sa bungad ng mga ilog. Batay sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), katuwang ang Mines and Geosciences Bureau (MGB), Environmental Management Bureau (EMB), at Department of Public Works and Highways (DPWH), natugunan at napagpasyahang pasado ang lahat ng kinakailangang technical at financial qualifications matapos ang masusing pagsusuri ng Technical Working Group ng Inter-Agency Committee ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.

Ang River Rehabilitation and Flood Mitigation Project ang itinuturing na pangmatagalang solusyon ng lalawigan laban sa sunod-sunod na pagbaha sa Pangasinan, isang suliraning patuloy na nagbabanta sa buhay at sumisira sa kabuhayan ng maraming Pangasinense.