‎Isinusulong ng pamunuan ng Mangaldan National High School sa lalwigan ng Pangasinan ang iba’t ibang hakbang upang mapalakas ang suporta sa mental health ng kanilang mga mag-aaral.

Bahagi ito ng mas malawak na programa ng paaralan na nakatuon sa kamalayan, pag-unawa, at maagang pagtugon sa mga isyung may kinalaman sa kalusugang pangkaisipan.

‎Ayon sa pamunuan ng paaralan, nagsagawa sila ng serye ng mga aktibidad at symposium na tumatalakay sa mental health awareness.

Layunin ng mga programang ito na mabigyan ng tamang kaalaman ang mga estudyante tungkol sa kahalagahan ng mental health, pati na rin ang mga paraan kung paano humingi ng tulong at makilala ang mga senyales ng pinagdaraanan ng isang indibidwal.

--Ads--

Inimbitahan din ang mga eksperto at tagapagsalita na may sapat na kaalaman sa larangang ito upang magbahagi ng impormasyon sa mga mag-aaral.

‎Binibigyang-diin din ng pamunuan ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga magulang at pamilya. Mahalaga umanong maging mulat ang mga magulang sa kalagayan ng kanilang mga anak upang agad na matukoy kung may problemang kinakaharap ang mga ito sa loob o labas ng paaralan.

‎Bukod dito, bukas ang guidance office ng Mangaldan NHS para sa mga mag-aaral na nangangailangan ng konsultasyon at payo.

Tiniyak ng pamunuan na may sapat na suporta sa loob ng paaralan upang matulungan ang mga estudyante sa anumang hamong kanilang nararanasan.

‎Paalala ng paaralan, mahalagang huwag balewalain ang mental health at hikayatin ang bukas na komunikasyon sa pagitan ng mga mag-aaral, guro, at pamilya.