Patuloy ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga bus terminal sa lungsod ng Dagupan habang papalapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon, dahilan upang maubos na ang lahat ng advance bookings at manatiling fully booked ang mga biyahe gabi-gabi.

Ayon kay Michael Agbuya, Terminal Master ng isang bus company, tatlong buwan nang nakalipas mula nang nag-umpisa silang magpa-advance booking at mayroon ding mga nagpareserba online bago tumungo sa terminal para sa ticket redemption.

Aniya bawat sampung minuto ang biyahe sa mga rutang Santa Cruz, Baguio, Alaminos, at Bolinao, habang isang oras naman ang interval sa ilang malalayong destinasyon gaya ng Cagayan at Tuguegarao.

--Ads--

May dagdag naman na mga bus at special permit para matugunan ang dagsa ng biyahero, kabilang ang mga standby unit na handang bumiyahe anumang oras.

Naka-standby rin ang maintenance team 24/7 at may mga reserbang bus sa loob at labas ng terminal.

Samantla, araw-araw ding nakaantabay ang PNP, LTFRB, at LTO para sa inspeksiyon ng papeles at kondisyon ng mga sasakyan.

Dagdag niya na upang mapanatili ang kalusagan ng mga driver at konduktor, may nakahandang serbisyong medikal sa terminal.

Pinapayagan din ang standing lalo na sa mga nag-aabang sa kalsada, ayon sa pahintulot ng LTFRB.

Nagpaalala ang pamunuan sa mga pasahero na iwasang magdala ng sobrang bagahe upang hindi mahirapan ang kapwa biyahero at mapanatili ang maayos na biyahe ngayong peak season.