Dagupan City – Nagpaalala ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa publiko na magplano nang maayos ng kanilang paglalakbay upang maiwasan ang matinding trapiko at masiguro ang kaligtasan sa mga kalsada dahil sa inaasahang dagsa ng mga byahero ngayong holiday season.

Ayon sa PDRRMO, mahalagang ihanda nang maaga ang biyahe at isaalang-alang ang pagbabago ng oras ng pag-alis upang makaiwas sa mga panahong mabagal ang daloy ng trapiko. Batay sa kanilang monitoring, karaniwang pinakamabigat ang trapiko mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga at alas-4 hanggang alas-7 ng gabi.

Hinikayat din ang mga biyahero na alamin ang kanilang mga rutang dadaanan, kabilang ang mga alternatibong kalsada, upang maging mas mabilis at maayos ang kanilang paglalakbay.

--Ads--

Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng pagiging alerto at responsable sa pagmamaneho, lalo na sa gitna ng masikip na daloy ng sasakyan. Pinapayuhan ang mga motorista na iwasan ang paggamit ng cellphone at iba pang gadget habang nagmamaneho upang maiwasan ang aksidente.

Bukod dito, pinaalalahanan ng PDRRMO ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga ulat ukol sa lagay ng panahon mula sa mga mapagkakatiwalaang ahensya bago bumiyahe, lalo na kung may banta ng masamang panahon.

Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa pakikiisa at disiplina ng mamamayan upang maging ligtas, maayos, at hindi gaanong mabigat ang daloy ng trapiko ngayong panahon ng bakasyon.