DAGUPAN CITY- Ipinahayag ng National Intelligence Coordinating Agency Regional Office 01 na mahalagang papel ang ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa ng NTF-ELCAC, lalo na sa lalawigan ng Pangasinan na aktibong nakikibahagi sa pagsusulong ng mabuting pamamahala.

Ayon kay Plormelinda P. Olet, Regional Director ng NICA Regional Office 01, nakasandig sa good governance ang mga programa ng NTF-ELCAC kaya kritikal ang partisipasyon ng local government units.

Binibigyang-diin niya na ang mga LGU ang nasa grassroots level at direktang nakikilahok sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo, tulong, at programang pangkabuhayan sa mamamayan.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang pamahalaan ay ipinapakita ang malinaw na commitment na iangat ang kabuhayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga programang pinangungunahan at isinasakatuparan ng mga lokal na pamahalaan.

Sa ganitong paraan, naipapamalas ang mabuting pamamahala na siyang pundasyon ng NTF-ELCAC.

Binigyang-diin din ni Olet na ang laban kontra insurgency ay hindi lamang responsibilidad ng mga ahensyang pangseguridad.

Sa halip, ang mga LGU mismo ang nangunguna sa pagtugon sa mga ugat ng problema sa pamamagitan ng serbisyong panlipunan, maayos na pamamahala, at inklusibong kaunlaran.

Sa kabuuan, kinilala ng NICA ang aktibong pakikilahok ng mga LGU sa Pangasinan bilang mahalagang salik sa pagpapatatag ng kapayapaan at kaunlaran, kasabay ng patuloy na pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa mabuting pamamahala sa ilalim ng NTF-ELCAC.