DAGUPAN CITY- “Wake up Call” na umano sa gobyerno ang pagtaas sa 2.19 Million ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lucy Ortega, Samahan ng mga Domestic Helper sa Gitnang Silangan (SANDIGAN), mababang pasahod at tumataas na bilihin sa bansa ang karaniwang dahilan ng pagdami ng mga OFW.

Kanilang kahilingan ang pagtugon ng pamahalaan sa pagtaas ng oportunidad at sahod sa bansa upang hindi na kailangan pang mangibang bansa ng mga Pilipino.

--Ads--

Bagaman mahirap maging OFW, pinipili pa rin ang magtrabaho sa ibang bansa kahit pa man ang iba ay nakakaranas ng pang-aabuso sa amo, lalo na sa bansang Saudi Arabia.

May pagkakataon din na nabibiktima ng illegal recruitment matapos pangakuan ng magandang trabaho.

Samantala, batay sa kanilang datos, karamihan sa mga nangingibang bansa ay mga kababaihan at 20% sa nasabing bilang ay mula CALABARZON.

Kadalasan din pinipili ang Middle East, kahit may mga nababalitang pang-aabuso, dahil sa madaliang proseso dulot na rin ng mga illegal na pamamaraan ng mga recruitment agencies.