Lumalabas sa paunang resulta ng imbestigasyon na suicide ang sanhi ng pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ito ang kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes, Disyembre 22, base sa kasalukuyang ebidensiyang nakalap ng mga awtoridad.

Ayon sa kalihim, ang mga nakitang palatandaan ay tumuturo sa ganitong konklusyon habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon.

--Ads--

Nauna nang sinabi ni Secretary Remulla na batay sa resulta ng isinagawang autopsy, namatay si Cabral dahil sa blunt force trauma.

Natagpuan ang kaniyang mga labi sa isang lugar sa Kennon Road, Tuba, Benguet noong Disyembre 18.

Matatandaang nasangkot ang pangalan ni Cabral sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y maanomaliyang flood control projects, kung saan sinasabing may natanggap na kickback mula sa ilang proyekto.

Gayunman, patuloy pa ring sinisiyasat ng mga awtoridad ang lahat ng aspeto ng kaso upang matiyak ang kabuuang katotohanan.