Dagupan City – Sinimulan ngayong araw ang pagbebenta ng mga paputok sa itinakdang firecracker zone sa Barangay Rizal, San Carlos City, kasabay ng mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko ngayong papalapit ang Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay PCapt. Aldrin Tamayo, Operations Officer ng San Carlos City PNP, pinapayagan lamang ang pagdi-display at pagbebenta ng paputok sa mga itinalagang lugar at mahigpit itong minomonitor katuwang ang lokal na pamahalaan, Bureau of Fire Protection, at iba pang ahensya.

Aniya, sisiguraduhin ang kaligtasan ng lugar para sa mga nagtitinda at mamimili.

--Ads--

Dagdag niya, kinakailangang kumuha ng permit ang mga magbebenta mula sa PNP Firearms and Explosives Office (FEO) at sa Local Government Unit ng San Carlos. Ang sinuman umanong mahuhuling nagbebenta ng paputok nang walang permit o nasa labas ng designated area ay agad na ipagbabawal at kukumpiskahin ang mga ipinagbabawal na paputok.

Ayon pa sa kanya, limitado lamang ang bilang ng permit na ibinigay ng LGU at umabot lamang sa 22 indibidwal ang pinayagang magbenta ng paputok sa lungsod.

Dagdag pa ni Tamayo, magpapatuloy ang halos araw-araw na inspeksyon upang matiyak na walang ipinagbabawal o labis na malalakas na paputok ang ibinebenta, lalo na ang maaaring magdulot ng sunog at aksidente.

Patuloy ring magpapatrolya at magmomonitor ang San Carlos City Police upang maiwasan ang ilegal na bentahan ng paputok at matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.