“Moderation not exaggeration.”

Yan ang ibinahagi ni Dr. Glenn Soriano, US Doctor, Natural Medicine Advocate hinggil sa kahalagahan ng pampublikong kalusugan at preventive medicine sa pagpapanatili ng kalusugan ng lipunan.

Ayon kay Dr. Soriano, “Prevention is better than cure,” isang prinsipyo na dapat isapuso ng bawat isa upang maiwasan ang sakit at mabawasan ang mataas na gastos sa healthcare sa hinaharap.

--Ads--

Sa kanyang paliwanag, marami sa mga tao ngayon ang umaasa na laging may gamot sa bawat karamdaman.

Aniya may tendency ang iba na abusuhin ang pagkain at iwasang mag-ehersisyo, dahil iniisip nila na may lunas naman kung magkasakit.

Subalit, ayon sa kanya, mas mainam na simulan ang preventive medicine para hindi na kailanganin ang mamahaling gamutan sa kalaunan.

Ipinakilala rin niya ang tinatawag niyang “3Ds” sa preventive medicine: Disease, Disability, at Delay death to the proper time.

Layunin nitong maiwasan ang sakit, mabawasan ang kapansanan, at tiyakin na ang pagtanda ay dumating sa tamang oras, nang hindi naaapektuhan ang kalidad ng buhay.

Bukod dito, binigyang-diin ni Dr. Soriano ang kahalagahan ng kaligayahan at pakikisalamuha sa iba.

Pagbabahagi nito na maging masaya araw-araw dahil malaking tulong ito para maiwasan ang sakit.

Socialize, practice moderation, hindi sobra-sobra, at alagaan ang iyong katawan.

Kabilang din sa preventive measures ang pamamahala ng blood sugar, tamang pagkain, regular na ehersisyo, at regular na check-up upang masubaybayan ang kalusugan at matiyak na nagkakaroon ng improvement.

Ayon sa doktor, kapag napigilan ang sakit sa pamamagitan ng preventive medicine, hindi na kakailanganin ang gamot.

Nanawagan naman si Dr. Soriano na gawing bahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ang preventive medicine upang mapanatili ang kalusugan, mabawasan ang gastos sa healthcare, at masiguro ang mas mataas na kalidad ng buhay para sa lahat.