May mga legal na alituntunin kaugnay sa kung sino ang may karapatang humawak ng tong o anumang benepisyong pinansyal kapag ang isang lalaki na may unang asawa ay namatay habang may pangalawang kinakasama.

Ayon kay Atty. Joey Tamayo Co-anchor ng Duralex Sedlex, sa ganitong sitwasyon, kadalasang nagkakaroon ng pagtatalo kung sino ang magpapasya kung saan dadalhin ang bangkay, saang simbahan ilalagak ang labi, at kung sino ang hahawak ng tong.

Binigyang-diin niya na ang pangkalahatang tuntunin ay ang asawang may hawak ng kontrata ng kasal ang may legal na karapatang magpasya sa mga nasabing usapin, kabilang ang paghawak ng benepisyong pinansyal.

--Ads--

Gayunman, may mga pagkakataon na parehong hindi kasal ang dalawang babae sa lalaki.

Sa ganitong kaso, iminungkahi ni Atty. Tamayo na dumulog sa barangay upang doon mapag-usapan nang maayos ang sitwasyon, at maaari ring magkasundo ang magkabilang panig na maghati sa benepisyo.

Mayroon din umanong mga eksepsiyon sa general rule.

Halimbawa, kung napatunayang iniwan o tinakbuhan ng legal na asawa ang lalaki at ang pangalawang kinakasama naman ang nag-alaga at nakasama ng yumao hanggang sa huling sandali, maaaring ang pangalawang pamilya ang maging entitled sa benepisyo kahit walang kasal.

Gayunman, dumaraan ito sa imbestigasyon upang matukoy kung sino ang tunay na nag-alaga at kasama ng namatay.

Pagdating naman sa mga anak, nilinaw ni Atty. Tamayo na lahat ng anak ay may karapatan sa mana.

Ang mga legitimate children ay tatanggap ng buong bahagi, samantalang ang mga illegitimate children ay tatanggap ng kalahati ng bahagi ng isang legitimate child, alinsunod sa umiiral na batas.

Iginiit naman ni Atty. Tamayo na mas mainam pa ring pairalin ang pag-uusap at pag-unawa sa pagitan ng mga pamilya upang maiwasan ang mas matinding sigalot, lalo na sa panahon ng pagluluksa.