Dagupan City – Patuloy ang paalala ng Bureau of Fire Protection o BFP San Fabian sa mga residente kaugnay sa ligtas na paggamit ng mga Christmas decoration, lalo na ngayong papalapit ang kapaskuhan at dumarami ang bumibili at nag-i-install ng mga palamuti sa kani-kanilang tahanan.
Ayon kay Fsinsp Virgilio Mamitag, Fire Marshall ng BFP San Fabian, mahalagang tiyakin ng mga mamimili na ang mga produktong kanilang bibilhin, partikular ang mga Christmas lights at iba pang kagamitang de-kuryente, ay aprubado ng mga kinauukulang ahensya.
Dapat aniya umanong suriing mabuti kung may International Certification Code o ICC mark ang produkto bilang patunay na ito ay dumaan sa tamang pagsusuri at ligtas gamitin.
Kung wala naman itong sertipikasyon, mas mainam na iwasan na ang pagbili upang maiwasan ang posibleng panganib.
Dito na ipinaliwanag ni Mamitag, ang mga substandard o hindi aprubadong dekorasyon ay maaaring magdulot ng short circuit na posibleng humantong sa sunog, lalo na kung matagal na nakasaksak o ginagamit nang walang tamang pag-iingat.
Paalala naman nito na bago matulog o umalis ng bahay, siguraduhing tanggalin sa saksakan ang mga Christmas lights at iba pang dekorasyong de-kuryente. Bahagi ito ng mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang mga tahanan at maiwasan ang insidente ng sunog ngayong holiday season.










