DAGUPAN CITY- Ibinahagi ng Dagupan City Police Office na wala pang naitatalang kaso ng scam sa Dagupan City ngayong buwan.

Ito ay kasabay ng kanilang pagbabala sa mga indibidwal tungkol sa mga scams na maaring maranasan o maganap ngayong kapaskuhan dahil sa ganitong panahon dumadami ang mga online transaksyon.

Ayon kay PLTCOL Roderick Y. Gonzales, Chief ng City Community Affairs and Development Unit-DCPO, bagama’t wala pa silang natatanggap na ulat tungkol sa mga kaso ng online scams ngayong buwan, may mangilan-ngilan silang natatanggap na reklamo noong nakalipas na taon sa ganitong panahon.

--Ads--

Dahil dito, hindi nagpapakampante ang kapulisan at patuloy ang kanilang panawagan sa publiko na maging mapanuri at maingat sa kanilang mga online activities.

Kaya naman, naglabas sila ng “Holiday Cybersecurity Tips” na nakapost sa kanilang social media account, batay sa utos ng kanilang National Headquarters, para sa kaalaman ng publiko.

Sinabi pa nito na ang kanilang tanggapan ay aktibong nagbabantay at nagbibigay ng impormasyon sa publiko tungkol sa iba’t ibang modus operandi ng mga scammer upang maiwasan ang pagkabiktima.

Kabilang kasi sa mga modus ngayon ay ang pagbibigay ng pekeng raffle o holiday rewards, QR code scam, pekeng delivery o courier notification, pekeng online shopping promos at phishing scams.

Ginagamit din kasi ng mga scammer ang pekeng email, text message, o social media posts na nagpapanggap na mula sa mga lehitimong delivery services, bangko, o e-wallet companies para mahikayat ang mga biktima na mag-click ng mga kahina-hinalang link o magbigay ng personal at sensitibong impormasyon.

Mayroon ding mga pekeng online shop na nag-aalok ng napakalaking diskwento, ngunit matapos magbayad ang biktima ay bigla na lamang mawawala ang nagbebenta.

Sa ibang kaso, pinapaniwala ang biktima na nanalo sila ng premyo, ngunit hinihingan muna ng “processing fee.”

Sa pamamagitan ng pagtutulungan, mas mapapanatili ang kaligtasan ng lahat sa digital world ngayong Kapaskuhan at masisiguro na ang diwa ng pagbibigayan ay hindi masisira ng mga mapagsamantala.