Dagupan City – Pinalakas ng Calasiao Police Station ang paghahanda nito para sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko, kabilang ang mahigpit na pagbabantay sa bentahan at paggamit ng paputok sa bayan.
Ayon kay PLt. Col. Ferdinand Lopez, COP ng Calasiao PNP, nakapagsagawa na ng mga pulong ang pulisya kaugnay sa regulasyon ng pagbebenta ng paputok, kung saan itinakda ang isang designated area sa harap ng Putuhan, sa kanang bahagi, na siya ring ginamit noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag na may malinaw na mga restrictions sa pagkuha ng permit, kung saan ang mga may pahintulot para sa retail selling ay hindi maaaring magbenta ng wholesale, at ang may permit para sa wholesale ay hindi rin maaaring magbenta ng tingi.
Tiniyak ng pulisya na mahigpit na ipatutupad ang mga alituntunin at pananagutin ang sinumang lalabag.
Patuloy rin ang operasyon laban sa ilegal na paggawa at pagbebenta ng paputok, kung saan may mga naitalang pagkakahuli ngunit nanatiling zero-casualty ang mga insidente noong nakaraang taon.
Paalala ng pulisya na ipinagbabawal ang pagbebenta ng paputok sa mga barangay at hinihikayat ang publiko na ipagbigay-alam ang anumang paglabag.
Binigyang-diin ng Calasiao PNP na ang kaligtasan at seguridad ng mga residente ang pangunahing prayoridad ng kapulisan sa pagsalubong sa taong 2026.










