Dagupan City – Posible pa ring magsampa ng civil forfeiture cases laban kay dating Public Works Undersecretary Maria Catalina Cabral kahit na siya ay pumanaw na.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Law Expert kung saan sinabi nitong bagama’t hindi na maaaring kasuhan ng kriminal ang isang taong pumanaw na, maaari pa ring ituloy ang civil forfeiture laban sa kanyang mga ari-arian.
Kung hindi kasi mapatutunayan ng pamilya ni Cabral kung paano nila nakuha ang kanilang mga ari-arian, maaari itong busisiin ng batas at maituring bilang ill-gotten wealth.
Ngunit nilinaw ni Cera na nakadepende pa rin aniya ito sa desisyon ng pamahalaan kung ipu-pursige ang naturang hakbang.
Paliwanag niya, hangga’t itinuturing kasi ng pamahalaan bilang isang crime scene ang insidente, may karapatan pa rin ang gobyerno na magsagawa ng masusing imbestigasyon at ipa-autopsy ang katawan ni Cabral upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Matatandaan kasi aniya na sa kabila ng pangyayari itinuturing pa rin si Cabral bilang isang vital witness sa umano’y mga anomalya sa flood control projects ng DPWH.
Batay naman umano sa testimonya ng driver ni Cabral, makikita ang matinding pressure na dinanas nito kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa mga sinasabing anomalya sa ahensya.
Gayunman, iginiit ni Cera na maraming posibleng dahilan ang pagkamatay ng dating opisyal, kabilang na ang aksidente, pagkitil sa sariling buhay, o posibilidad ng foul play.
Dahil dito, naniniwala siyang nararapat lamang na masusing siyasatin ang kaso upang mabigyang-linaw ang mga pangyayari.
Mungkahe ni Cera na ang pagsasagawa ng DNA analysis sa nasawing opisyal ay siyang daan upang tuluyang matuldukan ang mga espekulasyon at haka-haka ng publiko kaugnay sa kanyang pagkakakilanlan at pagkamatay.










