Dagupan City – Inaprubahan na sa antas ng komite ang panukalang 2026 Annual Budget ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan na nagkakahalaga ng mahigit 539 milyong piso, kasama ang Annual Investment Program, matapos ang ikalimang en banc committee hearing na isinagawa sa Sangguniang Bayan Session Hall.

Dumalo sa pagdinig ang mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng munisipyo, kasama ang mga assistant department head at section chief.

Pinangunahan ang delegasyon ng ehekutibo ni Acting Mayor Atty. Fernando Juan A. Cabrera, bilang kinatawan ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno.

Matapos ang pag-apruba sa antas ng komite, ang panukalang badyet at investment program ay isusumite na sa regular na sesyon ng Sangguniang Bayan para sa pinal na deliberasyon at pag-apruba na itinakda sa Disyembre 22.

Pinamunuan ni Konsehal Atty. Leah V. Evangelista, tagapangulo ng Committee on Finance, Budget and Appropriation, ang masusing pagsusuri ng panukalang pondo. Isa-isang tinalakay ang alokasyon ng bawat tanggapan, at hiningi ang pahayag at tugon ng mga opisyal hinggil sa kani-kanilang budget.

Ilang tanggapan ang nag-ulat ng bawas sa kanilang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE, kabilang ang gastusin sa suplay at biyahe.

Sa kabila nito, tiniyak ng mga opisyal na magpapatuloy ang mga pangunahing serbisyo at programa ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ang pangangailangan ng mas mahigpit na disiplina sa pananalapi at pagtitipid, lalo na sa harap ng limitadong pondo.

--Ads--

Ayon sa Municipal Budget Officer, isa sa mga dahilan ng pagsasaayos ng badyet ang pagbawas sa bahagi ng Mangaldan sa National Tax Allotment, kaya’t mahalaga ang mas maayos na pamamahala ng gastusin at pagpapalakas ng lokal na koleksiyon ng kita.