Dagupan City – Ipinahayag ni Dr. Elbert Galas, Pangulo ng Pangasinan State University, na mula 2024 pataas ay tahasang tinatahak ng pamantasan ang era ng internationalization, bilang bahagi ng kolektibong direksyon ng buong institusyon na kumikilos bilang isang pamilya at iisang sistema.
Ayon sa pamunuan, ang hakbang na ito ay tugon sa mabilis na nagbabagong pandaigdigang kapaligiran sa edukasyon, kaakibat ng bisyon ng PSU na maging leading industry-driven state university sa rehiyong Asya.
Sa ilalim ng direksyong ito, binibigyang-diin na walang maiiwan, sapagkat sabay-sabay na itinataguyod ang pag-unlad mula sa pamunuan hanggang sa hanay ng mga teaching at non-teaching personnel.
Binigyang-linaw na ang pagpapabuti ng indibidwal na kakayahan ng mga kawani ay tuwirang nakaangkla sa pag-angat ng buong unibersidad. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay akademiko, seminars, pananaliksik at inobasyon, gayundin ng extension activities, hinihikayat ang mga empleyado na paunlarin ang sarili habang sabay na itinataguyod ang pangalan at reputasyon ng PSU. Ang mga gawaing ito ay nagsisilbing batayan din sa promosyon at career advancement ng mga kawani.
Sa pamamagitan ng responsableng pagtupad ng bawat kawani sa kani-kanilang tungkulin, inaasahang aangat ang buong sistema ng unibersidad.
Binigyang-halaga rin ang kahalagahan ng concerted effort o sama-samang pagkilos bilang pangunahing bunga ng pagkakaisa ng PSU community na may iisang bisyon, misyon, at diwa ng pamilya. Ito ang dahilan kung bakit isinagawa ang year-end activity bilang isang buong-araw na programa na naglalayong pagtibayin ang ugnayan ng mga empleyado mula sa siyam na campus ng unibersidad.
Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng mga palaro upang isulong ang camaraderie at mas mapalapit ang loob ng mga kawani na mula sa iba’t ibang campus. Layunin nitong palakasin ang ugnayan ng bawat isa sa gitna ng patuloy na paglaki ng populasyon ng PSU.
Sa kabuuan ng pagtitipon, hinikayat ang lahat na pansamantalang isantabi ang mga akademikong gawain, pananaliksik, extension programs, at iba pang responsibilidad upang sama-samang ipagdiwang ang mga mahahalagang tagumpay ng PSU sa taong 2025. Ipinahayag ang pag-asa na mas madaragdagan pa ang mga tagumpay na ito sa mga susunod na taon, alinsunod sa strategic development plan ng unibersidad hanggang 2030.
Ipinagmalaki rin ng pamunuan ang patuloy na pamamayagpag ng PSU bilang nangunguna hindi lamang sa rehiyon kundi maging sa bansa at sa ASEAN. Kabilang sa mga nakamit ng unibersidad ang pagiging kauna-unahang state university sa Pilipinas na ginawaran ng ISO.
Ang mga tagumpay na ito ay pagpapatuloy ng matibay na pundasyong iniwan ng dating pangulo ng PSU na si Dr. Dexter Arbutin, na kasalukuyang administrador at CEO ng Philippine Coconut Authority.










