Posibleng maapektuhan ang kasalukuyang imbestigasyon sa mga proyekto ng flood control ng pamahalaan kasunod ng pagkamatay ng dating Undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Usec. Cabral.
Ayon kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance (CPEG), si dating Usec. Cabral ay itinuturing na sentral na personalidad sa isyu ng flood control projects, lalo na’t nagsilbi siya bilang undersecretary ng DPWH sa ilalim ng dalawang administrasyon.
Dahil dito, hawak umano niya ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mga plano, masterplans, at implementasyon ng flood control projects sa iba’t ibang distrito sa buong bansa.
Dagdag pa niya, si Cabral ang nag-o-oversee sa planning at iba pang kritikal na aspeto ng mga proyekto, kaya’t may malawak siyang kaalaman sa kabuuang sistema ng flood control nationwide.
Ipinahayag din ni Simbulan ang pangamba na baka humina o tuluyang mawala ang direksyon ng ongoing investigation, lalo na kung hindi mapapangalagaan ang mga impormasyong posibleng nalalaman ng dating opisyal.
Aniya, mahalagang matiyak na hindi mamatay kasama ni Cabral ang mga detalye at ebidensiyang makatutulong sa imbestigasyon.
Binanggit din niya na nananatiling malaking tandang pananong ang mga pangyayari sa likod ng pagkamatay ng dating DPWH official, lalo’t ito ay naganap habang patuloy pa ang imbestigasyon sa flood control projects.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung ano talaga ang nangyari sa kanya.
Ayon pa kay Simbulan, hindi rin maikakaila na malakas ang pressure na maaaring dinanas ni Usec. Cabral, lalo na’t ang posibleng matatamaan ng kaniyang testimonya ay mga makapangyarihang personalidad o tinatawag na “malalaking isda.”
Gayunpaman, iginiit ni Simbulan na mahirap pang magbigay ng tiyak na konklusyon sa kasalukuyan dahil under investigation pa ang mga sirkumstansiya ng pagkamatay ng dating opisyal.
Aniya, mahalaga ang masusing at transparent na imbestigasyon upang mapanatili ang tiwala ng publiko at masigurong magpapatuloy ang pananagutan sa mga isyu ng katiwalian sa flood control projects.










