Sample blood collection tube with HIV test label on HIV infection screening test form.

Dagupan City – Magandang hakbang ang pagtaas ng bilang mga nagpapa-screening ng HIV sa rehiyon

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Department of Health (DOH) Region I, patuloy ang naitatala nilang mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus o HIV sa rehiyon.

Batay sa datos mula Enero hanggang Mayo 2025, umabot sa 279 ang mga bagong kaso ng HIV na karamihan ay nasa edad 25 hanggang 30 taong gulang.

--Ads--

Sa usapin naman ng mode of transmission, sinabi ni Dr. Bobis na pinakamarami pa rin ang naiuulat na kaso na nagmula sa men-to-men sexual contact.

Paliwanag pa niya, ang tanging paraan upang malaman kung ang isang indibidwal ay HIV positive ay sa pamamagitan ng HIV screening o testing, na isinasagawa sa mga health facilities upang matukoy kung may impeksyon ang isang tao.

Dagdag ni Dr. Bobis, maaari ring makuha ang HIV sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo, bagama’t napakabihira na umano itong mangyari dahil sa mahigpit na screening ng blood products. Posible rin ang mother-to-child transmission, lalo na kung hindi agad natukoy at nagamot ang ina.

Muling hinihikayat ng DOH Region I ang publiko na maging mapagmatyag, magsagawa ng ligtas na pakikipagtalik, at huwag matakot na magpasuri upang maagapan ang pagkalat ng HIV sa rehiyon