Dagupan City – Pinuri ng Magasasaka Party-list ang limitasyon sa imported na bigas.

Ayon kay Argel Cabatbat, Chairman ng Magasasaka Party-list, ikinatuwa ng sektor ng mga magsasaka ang anunsyo ng pamahalaan na babawasan ang papasuking imported na bigas sa bansa.

Aniya, ito ay magandang balita lalo na’t maraming magsasaka ang nalugi dahil sa mga nagdaang bagyo na sumira sa kanilang mga pananim.

--Ads--

Marami umanong benepisyo ang dulot nito sa mga lokal na magsasaka.

Gayunman, iginiit niya na ang labis na paglilimita sa pag-aangkat ng bigas ay maaari ring magresulta sa kakulangan sa suplay kung hindi maayos ang pamamahala.

Binigyang-diin din ni Cabatbat na kung babalikan ang datos ngayong 2025, may mga panahong sobra-sobra ang produksyon ng bigas sa bansa.

Umaasa siya na sa susunod na taon ay mas maraming magsasaka ang makinabang at makaranas ng mas magandang presyo ng palay.

Ayon pa kay Cabatbat, mas mainam na bahagyang itaas ang taripa sa imported na bigas, ngunit tiyaking hindi ito magiging dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.

Sa kasalukuyan kasi aniya, maganda ang mga hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan.

Sa kabila nito, nanawagan siya ng imbestigasyon kung bakit hindi bumababa ang presyo ng bigas kahit pa sagana ang suplay.

Dapat din umanong silipin ang umano’y patuloy na smuggling ng bigas sa bansa.

Ipinaliwanag pa ni Cabatbat na sa ilalim ng Rice Tariffication Law, maaaring mag-import ng bigas ang sinuman, kaya’t mahalagang balikan ang orihinal na layunin ng batas at isaalang-alang ang pagbabago rito.

Nakalulungkot aniya na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nakikitang malinaw na reporma sa nasabing batas.