Binawian ng buhay sa ospital ang isang 32-anyos na magsasaka matapos sumalpok ang kanyang motorsiklo sa isang kuliglig sa Barangay Carusucan sa bayan ng Asingan dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Sa inisyal na imbestigasyon, magkasunod na binabagtas ng motorsiklo ng biktima at ng kuliglig ang kalsada nang bigla umanong sumalpok ang motorsiklo sa likuran ng kuliglig.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang magsasaka, na nagresulta sa malulubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bagama’t agad na dinala sa ospital, idineklara siyang dead on arrival.
Nagtamo lamang ng mga galos ang driver ng kuliglig, habang ligtas naman ang kanyang mga pasahero.
Dinala na sa Asingan PNP ang driver ng kuliglig para sa karagdagang imbestigasyon at pagtukoy sa mga posibleng pananagutan.










