Ipinamalas ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region I ang pagkilala nito sa mahahalagang katuwang sa pagpapatupad ng mga programang pangkaligtasan ng komunidad sa ginanap na seremonya kamakailan sa City of San Fernando, La Union.

Sa okasyong may temang Acknowledging Sacrifice; Embracing Heroism, kinilala ang iba’t ibang indibidwal at opisyal na nagpakita ng dedikasyon at suporta sa mga gawain ng BFP, kabilang ang lokal na pamahalaan ng Bayambang sa pangunguna ng alkalde ng bayan na si Mayor Niña Jose-Quiambao.

Kasabay ng pagkilalang ito, tumanggap din ng parangal sina OIC BFP-Bayambang Chief FInsp. Carol Joy Palchan at BFP Pangasinan Provincial Director FSSupt. Marvin Carbonel, bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay-pugay sa hanay ng mga lingkod-bumbero at kanilang mga katuwang.

--Ads--

Iginawad ang pagkilala bilang pagpapahalaga sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga inisyatiba ng BFP, gayundin sa pagkilala sa sakripisyo at kabayanihang ipinapamalas ng mga bumbero sa pangangalaga ng buhay at ari-arian ng mamamayan.