Dagupan City – Tiniyak ng National Intelligence Coordinating Agency o NICA ang patuloy na pagbibigay ng intelligence support upang mapanatili ang matatag na internal peace and security ng lalawigan ng Pangasinan at tuluyang wakasan ang local communist armed conflict.

Ayon kay Plormelinda P. Olet, mahalaga ang naturang hakbang bilang bahagi ng mas pinalakas na anti-insurgency efforts ng pamahalaan.

Binanggit niya na ang NICA ang nagsisilbing chairman ng Situational Awareness and Knowledge Management Cluster, isa sa 12 clusters ng NTF-ELCAC.

--Ads--

Sa ilalim ng mandato ng NICA sa NTF-ELCAC, pangunahing tungkulin ng ahensya ang pagbibigay ng intelligence, threat assessments, at pagsusuri sa sitwasyon ng banta sa lahat ng stakeholders.

Layunin nitong suportahan ang mga ahensyang kasangkot sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Isa sa tinututukan ng NICA ay ang pagpigil sa recruitment ng mga urban terrorist, partikular ang pag-target sa kabataan at mga estudyante.

Kabilang din sa mga sektor na binibigyang-pansin ang mga magsasaka at mangingisda, lalo na’t ang Pangasinan ay isang agricultural at coastal province na may malaking populasyon ng kabataan dahil sa dami ng mga unibersidad at kolehiyo.

Patuloy umanong makikipag-ugnayan ang NICA sa iba’t ibang ahensya at sektor upang magbigay ng sapat na intelligence support, bilang bahagi ng sama-samang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Pangasinan at maprotektahan ang mga mamamayan laban sa banta ng insurhensiya.