Dagupan City – May labing-isang firecracker vendors na ang nag-apply at opisyal nang nabigyan ng permit upang makapagbenta ng mga paputok ngayong papalapit na ang Kapaskuhan at Bagong Taon sa bayan ng San Fabian
Ayon kay FSInsp Virgilio A Mamitag III, Municipal Fire Marshall, San Fabian Bureau of Fire Protection o BFP San Fabian, nagsimula pa noong ika-16 ng Disyembre ang paglalatag ng paninda ng ilang vendor sa mga itinalagang lugar.
Aniya, inaasahan ng pamunuan na madaragdagan pa ang mga maglalatag ng paninda sa mga susunod na araw habang papalapit ang kasagsagan ng bentahan.
Sa kasalukuyan, nananatiling matumal ang bentahan ng mga paputok.
Gayunman, inaasahan aniya nila na posibleng dumagsa ang mga mamimili pagsapit ng ika-24 ng Disyembre at sa mga huling araw ng buwan, kasabay ng paghahanda ng mga pamilya para sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Tiniyak naman ng departamento na mahigpit ang kanilang pagbabantay upang masiguro na tanging mga pinahihintulutang uri lamang ng firecracker ang ibinebenta sa bayan.
Siniguro rin ng ahensya na bago payagang mailatag at maibenta ang mga paninda, dumaan muna ang mga ito sa masusing evaluation at inspeksyon ng mga awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Patuloy ang paalala ng BFP sa mga mamamayan na maging maingat sa paggamit ng paputok at sundin ang mga itinakdang alituntunin upang maiwasan ang sunog at iba pang aksidente lalo na ngayong holiday season.










