‎Isang pagkilala ang iginawad sa Lungsod ng Dagupan matapos itong tumanggap ng Plaque of Recognition mula sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council I at Office of Civil Defense Region I kaugnay ng mga programa at hakbang nito sa disaster preparedness.

‎Iginawad ang parangal nitong Miyerkules, Disyembre 17, sa isang programa na ginanap sa Bauang North Central School Sports Complex sa Bauang, La Union.

Tinanggap ang pagkilala ng kinatawan mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office ng lungsod.

‎Batay sa tala ng mga ahensiya, kinilala ang Dagupan dahil sa pinalakas nitong kahandaan sa sakuna, kabilang ang maayos at napapanahong procurement ng rescue at emergency vehicles, pati ang organisado at mabilis na pagtugon sa mga insidente ng kalamidad.

‎Kabilang din sa isinasaalang-alang ang koordinasyon ng city at barangay disaster risk reduction offices, katuwang na mga ahensiya, at mga volunteer sa pagpapatupad ng mga hakbang sa paghahanda at pagtugon sa emerhensiya.

‎Ang Plaque of Recognition ay bahagi ng patuloy na inisyatibo ng mga ahensiya na kilalanin ang mga lokal na pamahalaang may ipinapatupad na mga programang tumutugon sa disaster risk reduction and management.