Mariing kinondena ng Katipunan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas (KAMPI), ang umano’y pagbomba ng water cannon ng Chinese vessels sa mga Pilipinong mangingisda sa Escoda Shoal, na nagresulta sa pagkasira ng mga bangka at pagkasugat ng tatlong mangingisda.
Ayon kay Roberto Ballon, Chairperson ng nasabing grupo, labis ang sakit at lungkot na idinulot ng insidente, lalo na’t ang mga biktima ay payapang nangingisda lamang upang maghanapbuhay.
Saad niya, kasisimula pa lamang muling makapangisda ng mga mangingisda matapos ang pananalasa ng mga nagdaang bagyo nang mangyari ang insidente, ngunit ganito pa ang nagyari.
Sinabi rin niya na bagama’t patuloy ang pakikipag-usap at negosasyon ng pamahalaan sa usaping ito, nananatiling kulang ang kagamitan at suporta para sa mga mangingisda.
Gayunman, iginiit niyang hindi nagkulang ang gobyerno sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China.
Ani Ballon dapat lagi tayong umaapela sa diplomatic na pamamaraan dahil ayaw natin ng gulo.
Dapat rin na makinig sila sa umiiral na batas at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at kilalanin ang ating mga karapatan.
Bukod sa tensyon sa West Philippine Sea, binigyang-diin din niya na matagal nang problema ng sektor ang panghihimasok ng malalaking commercial fishing vessels na umaagaw sa pangingisdaan ng maliliit na mangingisda.
Nanawagan si Ballon sa pamahalaan na pondohan ang Fisheries Modernization Program, palakasin ang suporta sa aquaculture, at itaas ang badyet ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kabilang din sa kanyang mungkahi ang pagbibigay ng bagong bangka at puhunan sa mga mangingisda upang makabangon sila mula sa sunod-sunod na krisis.










