Sinampahan ng 59 na kaso si Naveed Akram, ang nakaligtas na suspek sa malawakang pamamaril na naganap noong Linggo sa Bondi Beach, ayon sa New South Wales Police.
Kabilang sa mga kaso ang 15 bilang ng pagpatay at isang kaso ng terorismo.
Nahaharap din siya sa 40 kaso ng malubhang pananakit na may layuning pumatay, at isang kaso ng pagpapakita ng simbolo ng ipinagbabawal na teroristang organisasyon.
Sa insidente, 15 katao ang nasawi at marami ang nasugatan.
Nangyari ang pag-atake habang may pagtitipon ang komunidad ng mga Jews para sa unang gabi ng Hanukkah.
Nasawi rin ang ama ng suspek na si Sajid Akram, 50, matapos makipagbarilan sa mga pulis sa lugar.
Malubha naman ang sugat ni Naveed Akram at unang humarap sa korte mula sa ospital.
Ipinagpaliban muna ang pagdinig ng kanyang kaso hanggang Abril 2026.
Ayon kay Police Commissioner Mal Lanyon, hinihintay munang mawala ang epekto ng gamot bago pormal na tanungin ang suspek upang matiyak na nauunawaan niya ang mga nangyayari.
Samantala, 20 sugatan ang nananatiling nasa mga ospital sa Sydney, at isa ang nasa kritikal na kondisyon.
Idineklara ng mga awtoridad ang insidente bilang isang teroristang pag-atake.
Sinabi naman ni Punong Ministro Anthony Albanese na posibleng may kaugnayan ito sa ideolohiya ng Islamic State.










