Inihalintulad sa isang korte ang naging hakbang ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) na imbitahan ang Office of the Prosecutor at ang Office of Public Counsel for Victims (OPCV) na magsumite ng karagdagang obserbasyon kaugnay sa pagbasura sa apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kumukuwestiyon sa hurisdiksiyon ng ICC sa kanyang kaso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional expert, ipinaliwanag niya na kahalintulad ito ng proseso sa lokal na korte kung saan binibigyan ng hukom ng pagkakataon ang piskal at ang mga abogado ng pribadong nagrereklamo na magbigay ng kanilang komento.
Ayon kay Atty. Cera, sa ICC ang katumbas ng mga ito ay ang Office of the Prosecutor at ang Office of the Public Counsel for Victims, na siyang maghahain ng kanilang mga pahayag hinggil sa mga isyung inilapit ni Duterte tungkol sa hurisdiksiyon ng ICC.
Hinimay umano ng Appeals Chamber ang mahahalagang usapin gaya ng kung natugunan ba ng ICC ang mga kondisyon para sa hurisdiksiyon, kung may sapat pa bang batayan upang ipatupad ang hurisdiksiyon laban kay Duterte, at kung may kapangyarihan pa ba ang ICC sa Pilipinas sa kabila ng pag-atras nito sa ICC.
Dagdag pa ni Atty. Cera, hindi pa umano nais ng kampo ni Duterte na magkaroon agad ng pagdinig dahil nais muna nilang maresolba ang isyu ng hurisdiksiyon na, ayon sa kanila, ay hindi nila kinikilala. Isinaalang-alang din umano ang kalagayan ng kalusugan ng dating pangulo.
Dahil dito, imbes na magprisinta na ng ebidensiya ang prosekusyon kasama ang mga counsel ng mga nagrereklamo, nananatili pa rin sa Appeals Chamber ang usapin habang tinatalakay ang isyu ng hurisdiksiyon.
Aniya, may karapatan naman ang dating pangulo na mag-apela sapagkat siya ang paksa ng kaso.










