DAGUPAN CITY- Naghatid ng liwanag at diwa ng Pasko ang iba’t ibang belenismo na gawa ng mga pulis mula sa iba’t ibang distrito ng Pangasinan, na ipinagmamalaking ipinakita sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO) kasabay ng kanilang Year end and Thanksgiving.

Dinaluhan ito ng mahigit kumulang 500 mga pulis sa lalawigan upang saksihan ang pailaw at makiisa sa kaganapan ngayong kapaskuhan kasama ang kanilang mga pamilya.

Taon-taong ginagawa ang kompetisyon ng belenismo na likha ng mga pulis mula sa kanilang sariling pagkamalikhain at talento, ay nagpapakita ng iba’t ibang interpretasyon ng kapanganakan ni Hesus.

--Ads--

Gamit ang iba’t ibang materyales, mula sa mga recycled items hanggang sa mga tradisyunal na kagamitan, nagawa nilang lumikha ng mga natatanging belen na nagpapamalas ng kanilang debosyon at pagpapahalaga sa diwa ng Pasko.

Nasa 8 mga grupo ng pulis ang nakilahok sa nasabing pagandahan ng belenismo mula sa 1 hanggang 6 na distrito at 2 National Support Unit.

May mga pamantayan na sinukat para malaman kung sino ang tatanghalin na panalo gaya ng 20% sa Pagkamalikhain at Originalidad, 20% sa husay sa paggawa, 15 % sa paggamit ng Lokal/Recycled na Materyales, 15% sa tugma sa tema at kuwento ng bibliya, 10% sa Ganda at Biswal at 20% sa pag-iilaw na nasa kabuuang 100 porsyento.

Aabot sa 10 k pesos ang mapapanalunan ng 1st prize, 7k naman sa 2nd Prize, 5k naman sa 3rd prize at 2k naman ang mga consolation prize.

Sa pamamagitan ng mga pamantayang ito, inaasahang makikilala ang pinakamagagandang belenismo na gawa ng mga pulis sa Pangasinan.

Consolation prizes:
6th place-National support Unit – CIDG and Provincial internal affairs service
5th Place- National Support Unit- Crime Lab at HPG at health service
4th place- 4th district
3rd place- tie- 2nd and 3rd District
2nd place- tie- 5th district and PMFC
1st place – 1st District
Champion- 6th district

Bukod sa pagiging simbolo ng Pasko, ang mga belenismo ay nagpapakita rin ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga pulis sa Pangasinan PPO.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, nagkaroon sila ng pagkakataong magsama-sama, magbahagi ng kanilang mga talento, at ipakita ang kanilang pagmamahal sa Diyos at sa kanilang komunidad.

Inaasahan na ang mga belenismo na ito ay magbibigay inspirasyon sa mga dumadaan sa Pangasinan PPO at magpapaalala sa tunay na kahulugan ng Pasko: ang kapanganakan ni Hesus at ang pag-asa, pagmamahal, at kapayapaan na dala nito.