Dagupan City – Ipinatupad ng Calasiao Central School ang makabuluhan, cost-effective at payak na selebrasyon ng Christmas party sa loob ng paaralan alinsunod sa DepEd Order No. 52, s. 2022 na nagtatakda ng simpleng pagdiriwang sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay Dr. Maria Fe Dela Cruz, Prinicipal ng nasabing paaralan, noong nakaraang linggo, nagsagawa ng preparatory meeting ang mga guro upang talakayin ang kahalagahan ng kautusan at ang maayos na pagpapatupad nito.

Ipinaliwanag niya na layon ng hakbang na maiwasan ang labis na paggastos at matiyak na lahat ng mag-aaral ay makikibahagi sa selebrasyon.

--Ads--

Sinundan nman ito ng pagpupulong kasama ang mga magulang kung saan tinalakay ang mga panuntunan ng paaralan para sa pagdiriwang.

May ilan umanong magulang ang nagpahayag ng kagustuhang magkaroon ng mas marangyang selebrasyon, subalit kinontrol ito ng pamunuan upang maiwasan ang diskriminasyon at mapanatili ang inclusivity.

Binigyang-diin ng paaralan na walang sapilitang kontribusyon na hihingin sa mga magulang, ito lamang ay kung ano ang kaya nilang ibahagi ng bukas at boluntaryo, upang matiyak na walang batang maiiwan at lahat ay magiging bahagi ng kasiyahan.

Dagdag pa ni Dela Cruz na nakasanayan na rin niya ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga magulang upang direktang malaman ang kanilang mga alalahanin at mungkahi kaugnay ng mga gawain sa paaralan.

Upang masiguro ang ganap na partisipasyon ng lahat, nagsilbing sponsor ang ilang guro para sa mga mag-aaral na less fortunate upang makasama sila sa pagdiriwang ng kanilang Christmas Party.